IPINAHIWATIG ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na posibleng magkaroon ng re-organization sa kanyang gabinete.
Ginawa ni PBBM ang pahayag eksaktong isang taon matapos siyang mahalal bilang pinakamatas na pinuno ng bansa at mapaso ang isang taong appointment ban laban sa mga tumakbo noong May 2022 elections.
Sa panayam kay Pang. Marcos sa Meruorah Convention Center sa Labuan Bajo, Indonesia, sinabi ng Presidente na naiisip na niya ang pagkakaroon ng reorganization sa mga miyembro ng kanyang gabinete dahil nakikita na raw niya kung sinu-sino ang mga mahuhusay sa loob ng isang taong panunungkulan niya sa Malakanyang.
Matatandaang sinabi na rin ni Pang. Marcos kamakailan na nais niyang magkaroon ng mga dagdag na Cabinet members upang bigyang daan ang mga magagaling na indibidwal na tumakbo noong halalan.
Kasalukuyang nasa Labuan Bajo si Pang. Marcos para sa 42nd ASEAN Summit at mananatili siya roon hanggang Mayo 11.