Binigyan ng bagong anyo ng SM Foundation Incorporated ang dalawang health centers sa Puerto Princesa sa Palawan.
Kapwa nai-turn-over na nitong nakalipas na July 10 at 11 ang Naval Station Apolinario Jalandoon Medical Dispensary (NSAJ-MD) at Barangay Irawan Birthing Facility dahilan kaya’t sumampa na sa 195 ang ipinaayos na health centers ng SM.
Ang NSAJ-MD ay nagbibigay ng agarang serbisyo sa mga tauhan ng Philippine Navy at kanilang dependents at pinalawig din ang health service sa mga sibilyang nasa Naval Installation and Facilities West at sa mga nasasakupan ng Naval Forces West.
Samantala, nasa 9,000 residente naman sa limang barangay ang sini-serbisyuhan ng Barangay Irawan Birthing Facility na itinatag nuong 2016 para magbigay ng libreng medical care sa mga buntis subalit na suspindi ang operasyon nito nuong 2018 para matiyak ang pagsunod sa mga panuntunan ng Department of Health (DOH).
Sa nakalipas na anim na taon, umusbong na ang naturang health center bilang isang multipurpose health facility kung saan pinalawig ang preventive medical services para mag serbisyo sa komunidad.
Dahil sa patuloy na commitment na makapagpaayos ng healthcare infrastructure sa buong bansa isinailalim sa upgrade ng SM Foundation ang medical facilities at pinalakas pa ang access sa quality healthcare services base na rin sa mga panuntunan ng DOH.
Sadyang inayos ng SMFI ang loob at labas ng mga nasabing healthcare facilities upang magkaruon ng conducive environment para sa mga healthcare workers at patients.
Para higit pang ma maximize ang misyon ng mga nasabing healthcare centers na makapagbigay ng quality medical services naglagay ang SMFI ng mga dapat at kinakailangang pasilidad at mga gamit kabilang ang special air cleaning paints at locally sourced plants bilang pagpo promote rin ng malusog na kapaligiran at suporta sa local entrepreneurs.
Naglagay din ang SMFI ng mga gamit na tipid sa kuryente at mga medical tools at equipment at para matiyak ang maayos na supply ng tubig, ikinasa ng SMFI ang rainwater catchment system bilang alternatibong pagkukunan ng tubig sa Naval Station Apolinario Jalandoon Medical Dispensary.
Sa pag-turn-over sa mga nasabing health centers tuluy tuloy ang pinaigting pang commitment ng SM Foundation para suportahan ang mga komunidad sa pagsusulong ng social good.