Welcome sa Malakanyang ang pasiya ng Korte Suprema na ibasura ang petisyong humihiling na maisapubliko ng medical records at health bulletin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang ligal at matibay na batayan para atasan ang Pangulo na ilabas ang kanyang health records.
Sinabi ni Roque, naniniwala silang inihain ang nabanggit na petisyon para guluhin si Pangulong Duterte na aniya’y abala sa pagganap ng kanyang tungkulin.
Layun din aniya nitong pabagsakin ang tiwala ng mga Filipino sa pamumuno ng Pangulo partikular sa panahon kung kailang nahaharap sa matinding krisis ang bansa dahil sa COVID-19.
Sinang-ayunan naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang pahayag ni Roque na walang batayan ang nabanggit na petisyon dahil maliwanag naman aniyang walang malubhang sakit ang Pangulo.