Natanggap na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang real-time tsunami monitoring equipment mula sa Japan International Cooperation Agency o JICA.
Isinagawa ang turnover ceremony sa punong tanggapan ng headquarters ng PHIVOLCS kung saan ito ang unang tsunami warning system sa bansa.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum Junior, malaki ang kanilang pasasalamat sa naturang monitoring system na magagamit aniya di lamang ng Pilipinas kundi maging ng mga kalapit na bansa.
Ito ay dahil sa ibabahagi aniya sa iba pang international monitoring agencies ang datos na makukuha ng Pilipinas.
Ang naturang proyekto ng JICA ay bahagi ng pagpapahusay ng mga kagamitan para sa disaster risk management sa Pilipinas na nagsimula pa noong 2012.
By Ralph Obina