Sisikaping matapos ng dalawang kapulungan ng kongreso ang isasagawa nilang special session bukas, Marso 23.
Ito’y para bigyan ng ibayong kapangyarihan ang ehekutibo na gamitin ang pondo ng pamahalaan para sa mga apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng DWIZ kay Sen. Panfilo Lacson, re-alignment at hindi supplemental budget ang kanilang ipapasa dahil sa nakita nilang mga unused o hindi nagamit na pondo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Tinitingnan nga natin, depende kung ano ‘yong measure na ipapasa sa amin ng Malacañang at pag-aaralan namin na pwede naman naming amiyendahan. Ang isang naisip naming amendment, ire-align, lalo na ‘yong mga ahensya na malaki ‘yong kanilang unused appropriation, baka pwedeng bawasan at idagdag doon sa pantugon dito sa coronavirus,” ani Lacson.
Batay kasi sa pinakahuling datos na nakuha mula sa Department of Budget and Management (DBM), humigit kumulang P900-bilyon pa ang mga pondo na nasa kamay ng mga ahensya ng pamahalaan ang hindi pa nagagamit at may ilan ding hindi pa nailalabas ng DBM.
Nakita namin, napakalaki pa rin ‘yong unused appropriation, katunayan, ‘yong mga ahensya pa lamang ng gobyerno, ‘yong mga departamento, ang hindi pa nagagastos. Pag sinabi nating unused, ito ‘yong obligated narelease na ng DBM pero hindi pa rin nagagamit ng mga agencies at ‘yong unreleased, hindi pa narelease ng DBM, ang total no’n, nasa mga 989-billion,” ani Lacson.
Kahapon, nagsimula na aniya silang magsagawa ng roll call at bukas ay pormal lang nilang bubuksan ang sesyon sa gusali ng senado at ipagpapatuloy nila ang mga talakayan via online.
Ayon sa inisyal na pag-uusap namin, initial lang naman ang kailangan makapag-roll callat meron kaming forum, pagkatapos no’n pwede naman kaming magresort sa teleconferencing, online voting, sa diskusyon pwede kaming gumamit ng application nang sa ganon makapag-usap-usap kami via internet,” ani Lacson. —sa panayam ng Usapang Senado