Kinontra ng isang malaking commuters advocacy group ang napapabalitang muling paghirang kay DOTr Secretary Arturo Tugade bilang kalihim ng departamento at sinabing bingi at manhid ang kasalukuyang liderato ng ahensya sa hinaing ng mga commuters.
Ayon kay Toix Cerna, tagapagsalita ng commuters advocacy group na Komyut, wala na ring tiwala ang transport sector kay Tugade at maging sa mga nakaupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Napabayaan talaga ng kasalukuyang liderato ng DOTr ang pampublikong transportasyon. May nabuo mang programa para tugunan ang pangangailangan katulad ng ayuda at service contracting, hindi naman naging maayos ang implementasyon. Naging bingi at tahimik at manhid ng liderato sa mga reklamo ng transport sector at ng mga mananakay,” ani Cerna.
Aniya, ang kasalukuyang liderato ng DOTr ay nagdulot ng malaking sugat sa buhay at kabuhayan ng transport sector at mas mainam aniya na ang papasok na administrasyon ay magtalaga ng bagong opisyal na maaaring magbigay ng pag-asa sa napabayaang sektor.
“Mainam sa panimula ng isang bagong gobyerno ang makapagtalaga ng lideratong magbibigay ng pag-asa sa sektor. Malaki ang naging pagkukulang ng dating liderato sa transportasyon at malalim ang sugat na idinulot sa buhay at kabuhayan ng mga mananakay at trabahador sa sector,” ayon kay Cerna.
Nauna rito, halos magkasunod ding umapela ang dalawang malaking grupo sa transportasyon kay presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palitan si Tugade.
Noong Martes, hiniling ng National Public Transport Coalition kay Marcos na palitan si Tugade at sinabing ang transport sector ay pinaka-napabayaang sektor sa gitna ng pandemya at patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina.
Ang NPTC ay kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa National Confederation of Tricycle and Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP), Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Samahan ng mga Tsuper at Operator tutol sa Phase Out (STOP), Association of Taxi Operators in Metro Manila (ATOMMI), at Unified Transport Alliance of the Philippines (UTAP).
Nasa hanay din nila ang Small Bus Operators of the Philippines, Philippine Bus Operators Association of the Philippines, Pilipino Society and Development Advocates, Alliance of Philippine Customs Brokers and Trucking Associations (CTAP), Inland Haulers and Truckers Association (INHTA), Haulers and Truckers Association in the Watersouth (HATAW), Lawyers for Commuters Safety and Protection, Truck Drivers Association of the Philippines, Motorcycle Rights Organization (MRO), Motorcycle Riders of the Philippines at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).
“…Isa pong solusyon sa transport sector ay ang pag-appoint ng bagong secretary [ng] DOTr na tutulong, mag-aalaga at magpapalakas ng aming hanay,” ayon kay coalition spokesperson Ariel Lim.
Magugunitang noong Biyernes ay gumawa din ng hiwalay na apela ang FEJODAP at ang Liga ng mga Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) na palitan na si Tugade dahil sa kabiguan umano nitong aksyunan ang mga suliranin ng transport sector sa anim na taon nitong panunungkulan.
“Hindi lang sila nabigong tugunan ang mga problema sa transportasyon, dumagdag pa sila,” ani LTOP president Orlando Marquez sa press conference noong Biyernes.