Hindi nagtugma sa orihinal na bilang ng talaan ng Bureau of Correction (BuCor) ang bilang ng mga sumukong heinous crime convicts na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) undersecretary Markk Perete, batay sa kanilang listahan, nasa 1,950 na ang bilang ng mga sumukong convicts sa pagtatapos ng 15-day deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang pagsuko.
Mas marami aniya ito kumpara sa 1,914 heinous crime convicts na nakalista sa orihinal na listahan ng BuCor.
As of 12 midnight, 1,950 na ang mga sumukong heinous crime convicts na napalaya [sa ilalim ng GCTA], that is higher than 1,914 na PDLs na nakalista sa original na listahan ng BuCor,” ani Perete.
Dapat sana, ani Perete, ay 11 p.m. pa lamang ay naglilinis na sila ng listahan ng mga convicts upang itransfer ito sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa isasagawang rearrest operation.
Tinanong din aniya nila ang BuCor hinggil sa pangyayari at ang kanilang tugon ay tinanggap nila ang mga sumukong convicts na hindi dino-double check ang kanilang mga pangalan sa naturang listahan.
Kasunod nito ay kaagad na nakipag-ugnayan ang DOJ sa PNP at AFP upang pansamantalang i-hold ang kanilang gagawing rearrest operation hanggang sa malinis na ng DOJ ang orihinal na listahan.
Immediately, nag-communicate tayo sa AFP at PNP to hold rearrest operations until after malinis natin ‘yung original list,” ani Perete.
Ito aniya ay upang hindi masayang ang oras at resources ng pulisya.
Dagdag pa ni Perete, 24-oras silang nagta-trabaho upang sa lalong madaling panahon ay kanilang malinis at malinaw ang listahan ng mga heinous crime convicts na napalaya sa ilalim ng GCTA. — sa panayam ng Ratsada Balita