Sisimulan na ang rebate o balik-bayad sa tinatayang 140,000 costumer ng Maynilad sa Las Piñas, Muntinlupa at Parañaque cities na naapektuhan ng mahigit isang buwang service interruption.
Sa public consultation ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office, inanunsiyo ni Chief Regulator Patrick Ty na ang 65 peso rebate ay mararamdaman sa November billing.
Ang kabuuang halaga na mahigit 9.2 milyong piso ay hinati anya sa mga naapektuhang customer kaya’t 65 pesos ang naging balik-bayad.
Nito lamang Setyembre ay pinatawan ng MWSS ang Maynilad ng 9.2 million peso penalty na ikakaltas naman sa bill ng mga customer na naapektuhan ng service interruption noong Mayo hanggang Hulyo.
Nagbabala naman si Ty na hindi sila magdadalawang-isip na magpataw ng panibagong multa kung mauulit ang mahabang water interruption.