Matagal nang inaasahan ng Palasyo ang impormasyon na si dating Presidential Spokesman Harry Roque ang sinasabing nasa likod ng pagpapakalat ng “Polvoron video” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, noon pa man ay si Atty. Roque na ang sinasabing nag-utos sa mga kaalyado nito na ipakalat ang nasabing video.
Dagdag pa ni Undersecretary Castro, hindi na lingid sa kaalaman ni Pangulong Marcos Jr. ang tungkol sa isyu, lalo’t sumailalim na sa masusing imbestigasyon at evaluation ang naturang video, kung saan napatunayang ginamitan ito ng face swap, batay sa fact-checking ng deepfake analysis.
Sa ngayon, ipinauubaya na muna ng Pangulo sa mga law enforcement agencies ang pag-aksyon sa rebelasyong inilabas ng isang vlogger, na nagsabing ang dating Presidential Spokesman ang mastermind sa pagpapakalat ng “Polvoron video”.
Sinabi ng Palace Official na sakaling makitaan ng pananagutan si Atty. Roque ay asahang sasampahan ito ng karampatang kaso. —sa panulat ni John Riz Calata mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)