Naghain ng recall petition laban kay San Juan City Mayor Guia Gomez ang mga supporters ni dating san Juan Vice Mayor Francis Zamora.
Kung maaprubahan, magkakaroon muli ng eleksyon sa San Juan City para pumili ng alkalde kung saan puwede ring tumakbo uli si Gomez.
Isinumite ng grupo ni Sophia Gil, natalong konsehal sa San Juan ang lagda ng tatlumpung libong (30,000) botante ng San Juan na di umano’y dismayado na sa pamamahala ni Gomez.
Ayon kay Gil, nag-ugat ang recall petition sa di umano’y katiwalian, pang-aabuso sa kapangyarihan at kapabayaan ni Gomez bilang Mayor ng San Juan.
Sa ilalim ng Local Government Code, maaring mag petisyon para sa recall election ang dalawamput limang porsyento (25%) ng bilang ng mga botante sa isang syudad o munisipalidad.
Maaaring isagawa ang recall election matapos ang isang taon mula nang maupo ang nahalal na alkalde at isang taon bago ang susunod na eleksyon o sa pagkakataong ito ay mula June 30, 2017 hanggang May 11, 2018.
Nitong nakaraang eleksyon ay umabot sa mahigit pitumput isang libo (71,000) ang rehistradong botante ng San Juan.
Nangangahulugan na mahigit dalawamput isang libong (21,000) verified signatures lamang ang kailangan ng COMELEC o Commission on Elections para ipatupad ang recall elections.
Dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora dumistansya sa recall petition vs Gomez
Dumistansya si dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora sa recall petition laban kay San Mayor Guia Gomez.
Ayon kay Zamora, hindi na ito isyu ngayon ng hidwaan sa pagitan ng pamilya Zamora at pamilya Estrada dahil taumbayan na ang humihiling na mapalitan sa puwesto si Gomez.
Dating magka-alyado ang mga Zamora at Estrada-Ejercito ng San Juan subalit nitong nagdaang eleksyon, lumaban si dating Vice Mayor Francis Zamora kay Gomez subalit hindi nagwagi.
Nakuha naman ni Congressman Ronaldo Zamora ang puwesto sa kongreso kontra kay dating Councillor Jana Ejercito samantalang nanalong Vice Mayor si Janella Ejercito.
By Len Aguirre