Umalma ang mga kongresista sa reckless driving penalty na ipinatutupad ng LTO sa mga driver na mahuhuling walang suot na facemask kung lampas sa isa ang sakay nito.
Ayon kay House Transportation Committee Chair Ruffy Biazon, posibleng malantad lamang ang hakbanging ito sa katiwalian dahil ang reckless driving ay tumutukoy sa kung paano ino-operate o minamaneho ng isang driver ang sasakyan at hindi ito applicable sa hindi pagsusuot ng face mask sa loob ng sasakyan.
Katuwiran naman ni Land Transportation Office (LTO) Chief Edgar Galvante, kaya reckless driving ang penalty sa mga hindi magsusuot ng facemask sa loob ng sasakyan ay hindi nailalagay umano sa alanganin ang kapakanan at kalusugan ng mga pasahero na kinontra naman ni Biazon lalo’t magiging oportunidad ito sa pangongotong ng traffic enforcers.
Umapela naman si Congresswoman Micaela Violago na sa halip na reckless driving ay sabihan na lamang o magbigay babala sa mga motorista na walang suot na facemask sa loob ng sasakyan.
Inihayag pa ni Biazon na sapat na ang parusang abala na dulot sa mga motoristang patatabihin ang mga sasakyan para lamang sitahin sa hindi pagsusuot ng facemask.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force rules, kapag dalawa o higit pa ang sakay sa sasakyan ay kailangang nakasuot ng facemask.