Malabo nang mapag-usapan sa APEC Summit ang ginagawang pangangamkam ng China sa West Philippine Sea kung saan may kanya-kanyang claim rin ang iba pang mga bansa kabilang ang Pilipinas.
Sa kabila ito ng pagpapahayag ng interes ni US President Barrack Obama na buksan ang isyu sa APEC Summit.
Ayon kay Ambassador Marciano Paynor, Director General ng APEC 2015 National Organizing Council, 4 hanggang 5 lamang mula sa 21 member economies ng APEC ang apektado ng territorial dispute sa West Philippine Sea.
“Para sa kanila mas marami pang dapat talakayin ng lahat ng mga ekonomiya, yung 21 economies eh apektado, so bakit pag-uukulan ng pansin ang isang isyu na ilan lang sa mga miyembro ang apektado?” Pahayag ni Paynor.
Pag-unlad ng ekonomiya
Samantala, target ng Pilipinas na maisulong sa APEC Summit ang mga paraan kung paano mapapaunlad ang micro, small at medium enterprises sa bansa.
Ayon kay Ambassador Marciano Paynor, Director General ng APEC 2015 National Organizing Council, sa APEC Summit inilalatag ang mga panukala at aksyon na puwedeng gawin para sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Bagamat ang lahat anya ng kasunduan sa APEC Summit ay non-binding o hindi obligadong sundin ng bawat kasaping bansa, maaari naman itong gamitin, kung ang tingin ng isang bansa ay makakatulong ito sa kanilang ekonomiya.
Nagkasundo na anya ang mga miyembro ng APEC na pag-usapan sa summit kung paano magkakaroon ng inclusive growth o kung paano makikinabang ang lahat sa pag-unlad ng ekonomiya.
“Tayo ang Pilipinas, 80 porsyento ng kalakal natin eh among the APEC economies, isipin natin na mula noong 1989 hanggang 2013, 8 percent ang growth nito taun-taon, ibig sabihin ay ummunlad ang 21 economies na ito, so kung umuunlad yan, tayo nasasama tayo diyan.” Paliwanag ni Paynor.
By Len Aguirre | Ratsada Balita