Itinanggi ni dating Marikina City Mayor at ngayo’y Congressman Bayani Fernando ang akusasyong may kinalaman ang kanyang kumpanya sa reclamation project sa Marikina river na umano’y dahilan ng malawakang pagbaha sa lungsod.
Ayon kay Fernando, tanging ginawa lamang nila ay ang makipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang idisenyo ang flood control project sa sinasakupan niyang distrito sa Marikina City.
Aniya walang anumang proyekto ng reclamation ang pagmamay-ari niyang BFCT corporation.
Buwelta ni Fernando, posibleng nais lamang ni Marikina city Mayor Marcy Teodoro na mayroong masisi sa nangyaring malawakang pagbaha sa lungsod.
Ani Fernando, matagal kasi bago inaaprubahan ni Teodoro ang disenyo ng flood control project sa bahagi ng ilog kung nasaan matatagpuan ang Marikina park kahit mayroon na itong pondo.