I-aakyat ng Pilipinas ang usapin ng reclamation sa mga pinag-aagawang teritoryo na sakop ng EEZ o exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Inihayag ito ni DFA o Department of Foreign Affairs Officer in Charge Secretary Enrique Manalo sakaling magsimula na ang bilateral talks sa pagitan ng China at ng Pilipinas hinggil sa territorial dispute.
Ayon kay Manalo, kanilang aalamin ang intensyon ng China sa paglikha ng mga artipisyal na isla gayundin ang pagtatayo ng mga istruktura roon na nakatuon sa aspetong militar.
Ikinasa ang nasabing pagpupulong bunsod na rin ng kasunduan ng dalawang bansa upang resolbahin sa mapayapang paraan ang sigalot sa mga pinagtatalunang teritoryo.
China
Samantala, itinanggi ng China na mayroong mga artipisyal na isla sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Taliwas ito sa inilabas na mga sattelite images ng US Think Tank na Asia Maritime Transparency Initiative hinggil na nagpapakita sa ganap na pagtatapos ng mga itinatayong gusali sa tinaguriang big 3 ng Spratlys.
Ayon kay Chinese Defense Ministry Spokesman Wu Qian, matagal nang may mga buhangin sa nasabing mga isla at ang mga itinayo nilang gusali ay para lamang sa mga sibilyan.
Itinanggi rin ni Wu ang sinasabing militarisasyon sa nasabing mga isla dahil normal lamang na magtayo ng defense facilities doon bilang proteksyon sa minanang lupain ng China mula sa kanilang mga ninuno.
By Jaymark Dagala