Sumirit na sa 4,285 ang naitalang daily COVID-19 cases sa hongkong dahil sa mas nakahahawang Omicron variant, ilang buwan matapos ang zero cases noong isang taon.
Napuno na ng mga COVID patient ang ilang pampublikong pagamutan at nauubusan na rin ng mga hospital bed.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Chinese President Xi Jinping na paigtingin ang mga hakbang upang ma-contain ang pinaka-matinding COVID-19 outbreak sa Hongkong.
Sa isang ospital sa sham shui po district, ilang pasyente na karamiha’y senior citizen, ang naghihintay na lamang sa labas sa gitna ng malamig na panahon.
Alinsunod sa “dynamic zero-infection” strategy ng hongkong government, hindi maaaring mag-isolate sa bahay ang mga COVID positive kahit mild o walang sintomas kaya’t libu-libo ang naghihintay ma-admitt sa mga ospital o quarantine facilities.
Sa kabila nito, wala pang desisyon ang pamahalaan kung magpapatupad ng lockdown.