Kinumpirma ng Department of Tourism (DOT) na record breaking ang naitalang P172 million sales sa travel booking ng Philippine Travel Exchange (PHITEX) sa loob lamang ng dalawang araw.
Ayon kay DOT secretary Christina Garcia-Frasco, patunay lamang na ang naitalang sales ng bansa, ay bahagi ng pananabik ng mga manlalakbay matapos ang lockdown at paghihigpit ng mga restriksiyon bunsod ng Covid-19 pandemic.
Sa datos ng Tourism Promotions Board (TPB), nito lamang October 19 hanggang 20, kabuuang P172,602,851 ang naitalang benta ng travel expo sa negosyo kung saan, nalampasan nito ang benta sa mga nakaraang taon.
Nabatid na maging sa panahon ng pre-pandemic travel trade, noong taong 2018, nasa halos P95 million lang ang naitalang sales ng bansa habang P46 milion naman noong 2019.
Sa ngayon, nasa 116 na ang buyers ng Pilipinas kung saan, binubuo ito ng 32 bansa na mayroong 53 physically present habang 63 naman ang virtually participants.
Sinabi pa ng TPB na 80% sa international buyers ay nakatakdang bumiyahe sa anim na post-event tour circuits na binubuo ng Cebu-Bohol, Negros Oriental-Siquijor, Ilocos, CALABARZON, dAvao, at Metro Manila.