Aabot sa 2.2 billion scam at spam messages ang naharang ng nangungunang digital solutions platform Globe mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ito’y halos four-fold increase mula sa 615.01 million na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ang numero ay palapit na rin sa 2022 full-year record na 2.72 billion blocked messages.
Ang pinaigting na kampanya ng telco laban sa fraudsters ay bilang suporta sa pagpapatupad ng pamahalaan sa SIM registration law na naglalayong masugpo ang cybercrime.
Karaniwang ginagamit ng mga mapagsamantalang tao ang scam at spam text messages para magkaroon ng access o makakuha ng personal information mula sa mobile users. Ang access na ito sa sensitive information ay nagpapahintulot sa cyberhackers na magkaroon ng kontrol sa online accounts, na nagreresulta sa malaking financial losses dahil nakakapaglabas sila ng pera sa banks o e-wallet accounts ng biktima.
“At Globe, we’re unwavering in our dedication to bolster the government’s fight against cybercrime. Our significant investments in advanced filtering systems and our intensified campaign to block scam and spam messages is a testament to our promise of providing secure and reliable communication services to our customers,” wika ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng kompanya.
Bilang tugon sa dumaraming krimen at spam text messages, nilagdaan ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No 11934, o ang SIM Registration Act, noong October 10, 2022. Minamandato ng batas ang mga indibidwal na iparehistro ang kanilang SIMs sa pamamagitan ng pagsusumite ng valid identification documents sa telecommunications entities. Ang period ng registration ay nagtapos noong Hulyo 25 para sa SIMs na ginagamit bago pinagtibay ang batas. Ang lahat ng bagong SIMs ay kailangan ding iparehistro bago i-activate.
Sa pagpapatupad ng batas at sa pagkakaroon ng SIM database, umaasa ang Globe na bababa na ang bilang ng spam at scam messages, kasabay ng panawagan sa mga customer na manatiling mapagbantay dahil kilala ang mga fraudster sa pagtuklas ng mga bagong paraan para makapanloko.
Bilang suporta sa pagsisikap ng pamahalaan laban sa spam at scam, patuloy na hinaharang ng telco ang mga malisyosong SMS, kabilang ang lahat ng person-to-person messages na may links.
Ito ay nag-invest din ng $20 million upang palakasin ang spam at scam SMS detection at blocking system nito. Ang Security Operations Center ng kompanya ay nagtatrabaho 24/7 upang masala ang unwanted messages kapwa mula sa international at domestic sources. Maaaring i-report ng mga customer ang spam at scam SMS sa #StopSpam portal ng kompanya.