Nais makita ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tax record ng tatlong opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals matapos mabunyag na mayroong luxury cars o mga mamahaling sasakyan ang mga ito.
Ayon kay Drilon, dito malalaman kung nagbayad ang mga tatlo ng tamang buwis at may sapat silang kakayahan upang makabili ng mga sasakyan na nagkakahalaga ng mahigit P60 milyon.
Kinuwestyon din ng Senador kung paano nakabili ng ganitong mga sasakyan ang mga opisyal gayong nagdeklara ang pharmally sa gobyerno na wala silang kinita noong 2019 kung kailan P625,000 lang ang kanilang puhunan.
Una nang isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang impormasyon na may Porsche,Lamborghini at Lexus ang mga opisyal ng pharmally na sina Linconn Ong, Mohit at Twinkle Dargani.
Lumitaw din sa pagdinig na kumita ang Pharmally ng halos P400 milyon nung 2020 kung kailan nila nakuha ang bilyon-bilyong pisong halaga ng kontrata sa gobyerno.—sa panulat ni Drew Nacino mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)