Wala pang desisyon o aksyon ang Korte Suprema hinggil sa inihaing election protest ni dating senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay bagama’t inanunsyo na ng Korte Suprema, ang tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET, na tinapos na nito ang revision at recount ng mga ballot boxes mula 5,400 voting precints sa Iloilo, Negros Oriental at Camarines Sur.
Ayon kay Supreme Court Public Information Chief Brian Keith Hosaka, naisumite na ni Associate Justice Benjamin Caguiao sa en banc ang kanyang report kaugnay ng isinagawang recount pero hindi pa ito dine-desisyonan ng PET.
Kaugnay nito, muli namang pinaalalahanan ni Hosaka ang magkabilang kampo hinggil sa umiiral na sub judice rule na nagbabawal sa kanilang magpalabas ng anumang pahayag sa publiko na may kaugnayan sa kaso.
(with report from Bert Mozo)