Ipinasara na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang Recruitment Agency sa Makati City dahil sa patuloy na pag-recruit ng mga nais mag-abroad kahit walang lisensya.
Inihayag ni Migrant Workers secretary Susan Ople na na-ipadlock na ng Anti-Illegal Recruitment Branch ng ahensya ang mga opisina ng Azizzah International Manpower Services, Incorporated.
Hunyo a-15 nang kanselahin ng Philippine Overseas Employment Administration ang lisensya at akreditasyon ng Azizzah dahil sa iba’t ibang paglabag at reklamo ng mga naghahanap ng trabaho.
Patuloy anyang nag-isyu ng mga job order para sa house helper at skilled worker sa Saudi Arabia ang naturang recruitment agency, naniningil ng mga placement fee na katumbas ng isang buwang suweldo mula sa mga aplikante, kahit kanselado na ang lisensya nito.
Isinagawa ng DMW ang operasyon katuwang ang Southern Police District sa tanggapan ng Azizzah sa Palanan, Makati City.
Hinimok ng kagawaran ang mga biktima ng illegal recruitment na makipag-ugnayan sa Anti-Illegal Recruitment Branch sa pamamagitan ng facebook account nito o iulat ang mga naturang krimen sa dmw.gov.ph.