Nagpapasaklolo sa gobyerno ang recruitment agency ng mga Pinoy na sakay ng nawawalang Gulf Livestock 1 para humingi ng ayuda sa ibang bansa na mahanap ang 36 na nawawalang Pinoy seafarers.
Ipinabatid ni Elias Delos Reyes, Pangulo ng manning agency ng mga nasabing Pinoy Seamen na hiniling nilang makatulong ang Chinese at Korean government sa pagsasagawa ng search and rescue operations lalo na ang freighter ay nawala sa paligid ng international waters hindi naman talaga sa nasasakupan ng Japan.
Hindi pa rin aniya maituloy ng Japanese authorities ang search and rescue nito dahil sa bagyong Haishen.
Sinabi ni Delos Reyes na nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Japan para mag-follow up sa resumption ng search and rescue operations.
Umaasa sila aniyang matatagpuan pa ang mga nasabing Pinoy dahil lumalabas sa kuwento ng isang survivor na nasa ibabaw ng barko ang maraming kasamahan nila kasama ang kapitan nila.
Mula sa 39 na Pinoy crew na una nang napaulat na nawawala dalawa na ang nailigtas na kinilala ng DOLE na sina Jay-Nel Rosales at Sareno Edvarodo samantalang isa pang crew na sinasabing Pinoy ay natagpuan namang patay.