Tinitingnan na ngayon ng ICC o International Criminal Court kung maaaring maisama sa mga argumento sa isinampang kaso laban kay Chinese President Xi Jinping ang nangyaring pagbangga ng barko ng Tsina sa barkong pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank.
Iyan ang inihayag ni dating foreign affairs secretary Albert Del Rosario na isa sa mga naghain ng kasong crimes against humanity laban sa Chinese president kasama ni dating ombudsman Conchita Morales.
Sinabi ni Del Rosario na makatutulong aniya ang naturang insidente para patibayin ang kanilang kaso laban sa China lalo’t mapapabilang ito sa isinumite nilang reklamo ng may 300,000 mga mangingisda na nakaranas ng pananakit, panggigipit at pang-aalipusta ng mga Tsino.
Isinusulong din ng dating opisyal ang multilateral approach sa paghawak sa kaso na kabilang naman sa mga tinalakay sa katatapos pa lamang na ASEAN o Association of Southeast Asian Nation Summit sa Thailand.