Isinusulong ni Senate Pro-tempore Ralph Recto ang pagbuo ng isang komisyon o task force na tututok at titiyak sa pagpapatupad ng rehabilitasyon sa mga lugar at biktimang naapektuhan ng pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Ayon kay Recto, ihahain niya at ng kanyang asawa na si Congresswoman Vilma Santos ang panukalang pagtatatag ng Taal Commission.
Sinabi ni Recto, itutulad niya ito sa Pinatubo Commission na naging malaking tulong para sa muling pagbangon ng mga biktima ng pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991.
Sa kabila nito, binigyang diin ni Recto na hindi nagkukulang ang national government sa pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ng pag-aalburuto ng Taal volcano.
Aniya, nagpapasalamat siya kay Pangulong Rodrigo Duterte na binibigyan nito ang importansiya ang mga taga-Batangas.
Mayroon na tayong karanasan tungkol dyan, yong Pinatubo. Nagtayo tayo ng Pinatubo Commission nuong 1992. After Pinatubo nagkaroon ng funding para sa rehabilitation. Yon din ang pinag-aaralan ko ngayon, para yon ang gagawin natin. We will file a bill, probably creating a Taal Commission nang sa ganon ay matulungan natin ang mga kababayan natin hindi lamang sa Batangas kasama na siguro ang Cavite, mga naapektuhan din sa Cavite para magkaroon ng rehabilitation at recovery fund sa mga darating na taon dahil mahaba ang recovery at rehabilitation.—ani Recto sa panayam ng Usapang Senado.