Kapwa naniniwala sina Senador Ralph Recto at Senador Manny Pacquiao na kaya ng Pangulong Rodrigo Duterte na baliktarin ang desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na ipahinto ang operasyon ng ABS-CBN.
Ayon kay Recto, makakabalik agad sa operasyon ang ABS-CBN kung pagsasabihan ng pangulo ang NTC na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN.
Literal na death penalty anya ang ipinataw ng NTC sa ABS-CBN sa panahon na marami ang literal na namamatay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Umaasa at ipinagdarasal naman umano ni Pacquiao na hipuin ng Panginoon ang pangulo at kausapin ang NTC na bigyan na ng provisional authority ang ABS-CBN habang dinidinig ang kanilang franchise bill.
Kapwa nagpahayag ng paniniwala ang dalawang senador na nahahati ang atensyon at enerhiya gayung dapat ay nagkakaisang nakatutok tayo sa COVID-19 pandemic.