(Updated)
Inilagay na sa red alert status ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang Mindanao Grid makaraang maitala sa negative level ang reserbang kuryente rito.
Ala-1:00 kaninang hapon, bumagsak sa negative 86 at negative 35 megawatts ang net reserves sa Agus 1 at 2.
Ayon sa NGCP, hindi pa rin konektado sa grid ang dalawang hydropower plant sa Lanao del Sur matapos pasabugan nitong bago mag-Pasko.
Hirap din ang mga tauhan ng NGCP na pasukin ang planta dahil sa mariing pagtanggi ng may-ari ng lupang kinatitirikan ng pinasabugang steel tower sa Agus 1 at Agus 2 para isaayos ang mga ito.
Magugunitang binomba ng mga hindi pa tukoy na grupo ng mga armadong lalaki ang tower 25 noong bisperas ng Pasko na siyang sanhi ng pagbaba ng kapasidad ng hanggang 150 megawatts na kuryente.
Bagama’t mababa ang konsumo ng kuryente dahil sa malamig na panahon, kinailangan pa ring itaas ang alerto dahil sa bumababang lebel ng reserbang kuryente.
By Jaymark Dagala