Pormal nang ihahain ngayong araw sa Korte Suprema ng Office of the Solicitor General o OSG ang quo warranto petition na kumukuwestyon sa legalidad ng appointment o pagkakatalaga kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y makaraang lumutang sa pagdinig ng House Justice Committee ang kabiguan ni Sereno na isumite ang Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN nito nang mag-apply ito sa pagka-Punong Mahistrado noong 2012.
Magugunitang nagmula kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang panukalang maghain ng reklamo sa High Tribunal para kuwestyunin ang appointment kay Sereno at maaari ring magmula sa mga mahistrado ang pasya para patalsikin ang kanilang pinuno.
Samantala, nakatakda ring magsuot ng kulay pulang damit ang lahat ng mga hukom at empleyado ng Korte Suprema gayundin ng buong sangay ng hudikatura sa buong bansa ngayong araw.
Ito’y para ipakita ang kanilang suporta sa desisyon ng labingtatlong (13) mahistrado ng Korte Suprema hinggil sa puwersahang pagpapabakasyon kay Sereno sa ilalim ng indefinite at hindi wellness leave na unang pinalutang ng kampo nito.
Sereno supporters
Tatapatan naman ng Philippine Council of Evangelical Churches o PCEC ang Red Monday Protest ng mga nasa hanay ng Hudikatura.
Ito’y para magbigay naman ng suporta kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa paniniwalang inosente ito sa mga paratang na ibinibintang sa kaniya.
Ayon kay PCEC National Director Bishop Noel Pantoja, gagawin ang rally na tinawag na Martsa ng Bayan, CJ Ipaglaban bukas, Marso 6 sa Quezon City.
Dahil dito, hinikayat ni Pantoja ang publiko na ipakita ang kanilang suporta sa Punong Mahistrado gayundin sa pag-iral ng demokrasya sa bansa.
—-