Nagpapatuloy pa rin ang bantang pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kung saan tinatawag anila ang plano bilang Red October.
Sinabi ni AFP Deputy Chief of Staff for Operations Brigadier General Antonio Parlade, isinabay ang plano sa international celebration sa buwan ng communism, Marxism at IP o indigenous people.
Iginiit din ni Parlade na totoo ang naunang ulat ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte o destabilization plot sa administrasyon noong Setyembre 21.
Nananatili rin aniya ang banta dahil inorganisa aniya nito ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison.
Dagdag pa ni Parlade, batay sa kanilang nakuhang mga dokumento, muntik nang pumirma sa isang alyansa ang opposition group na Tindig Pilipinas sa komunistang grupo para sana sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte noong Setyembre 21.
Pero hindi aniya ito natuloy matapos nilang malaman na mga lider ng komunistang grupo ang nasa likod nito.
—-