Nangako ang bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff na si Lt/Gen. Cirilito Sobejana na tatalima sila sa itinatadhana ng international humanitarian law at hindi magbibitiw ng akusasyon nang walang ebidensya.
Iyan ang reaksyon ni sobejana kasunod ng nangyaring red-tagging ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) Spokesman at Southern Luzon Commander Lt/Gen. Antonio Parlade sa isang mamamahayag.
Ayon sa AFP chief, natuto na ang AFP sa mga nakalipas na karanasan nito sa red – tagging sa mga maling tao kaya’t tiniyak nito na hindi na iyon mauulit pa.
Magugunitang inakusahan ni Parlade ang reporter ng pahayagang Philippine Daily Inquirer na si Tech Torres – Tupas na isang propagandista nang ilahad lang nito sa kaniyang naging ulat ang inihaing petisyon ng mga aeta sa Korte Suprema hinggil sa umano’y pang-aabuso sa kanila ng militar.
Mariin itong itinanggi ni Parlade at nagbanta pang kakasuhan si Tupas dahil umano sa pagpapakalat nito ng kasinungalingan.
Dahil dito, kakausapin ni Sobejana si Parlade hinggil sa nasabing usapin.