Isinusulong ng number 2 man ng Philippine National Police (PNP) ang pagrepaso sa kanilang rules of engagement upang makasabay sa tinatawag na new normal sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay PNP deputy chief for administration P/Ltg. Camilo Cascolan, kailangan din nilang umayon sa agos ng panahon lalo’t malaki na ang pinagbago ng sitwasyon ngayong humaharap na ang bansa sa new normal.
Inamin ni Cascolan na tiyak na magiging pahirapan na ang pagtukoy sa mga kriminal dahil sa obligado na rin ang pagsusuot ng facemask ng publiko.
Kaya naman, kailangan nang makabuo ang PNP ng bagong pamamaraan at sistema upang maging epektibo pa ring magampanan ng mga pulis ang kanilang mandato.
Noong Biyernes, isinumite na ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang planong isailalim sa refresher course o discipline workshop ang mga pulis lalo na sa Mindanao.
Magugunitang apat na sundalo ang napatay ng mga tauhan ng Jolo Municipal Police Station matapos na mapagkamalan nilang terrorista ang mga ito.