Igigiit ng Department of Health (DOH) sa kumpanyang Sanofi Pasteur na i-refund ang mahigit tatlong bilyong pisong (P3-B) ibinayad para sa dengvaxia vaccine.
Kasunod ito ng pagbuo ng DOH ng isang task force para tumutok sa monitoring at pagtulong sa mga batang nabakunahan ng naturang anti – dengue vaccine.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, magkakaroon ng sariling legal team ang binuong task force na siyang mag – aaral sa pananagutan ng Sanofi Pasteur.
Ipapasagot din nila sa Sanofi ang gastos sa pagpapagamot sa mga magkakasakit na batang nabakunahan kahit pa may commitment na ang PhilHealth na sagutin ang gastos sa pagpapagamot ng mga bata.
DOH hinihintay ang ulat ng WHO
Hinihintay pa ng DOH ang magiging ulat ng World Health Organization o WHO bago pagdesisyunan kung ano ang gagawin sa natirang stock ng dengvaxia vaccine.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, posibleng ilabas ng WHO ang ulat sa susunod na linggo kasama ang ilang rekomendasyon na makatutulong sa magiging pagpapasya ng DOH.
Samantala, binanggit naman ni Duque na ang binuong task force ng DOH ay binubuo ng mga top – level officials mula sa iba’t ibang sangay nito upang masiguro ang high level of accountability.
Kasabay nito, hinikayat ni Duque ang Department of Education o DepEd na gumawa ng kahalintulad na task force upang tumutok sa mga estudyanteng nabakunahan ng naturang anti – dengue vaccine.