Sinibak sa pwesto ni Transportation Sec Arthur Tugade ang regional director ng LTFRB sa Bicol at tatlong tauhan nito dahil sa umano’y korapsyon.
Mismong si LTFRB Chairman Martin Delgra ang naghain ng relief order kay Bicol Regional Director Jun Abrazaldo.
Ayon kay Delgra, hindi nila kukunsintihin ang korapsyon lalo na kung ang pasimuno ay mataas na opisyal ng LTFRB.
Sinuspinde naman ng 3 buwan ang tauhan ni Abrazaldo na si Atty. Mary Jil Caurel, Hearing Officer IV ng LTFRB Bicol.
Inireklamo si Caurel ng pagtanggap ng padulas o pera para mapabilis ang aplikasyon sa mga CPC o Certificate of Public Convenience at pangongotong sa mga inimpound na sasakyan.
Pagpapaliwanagin din ang dalawang tauhan nito na kinilalang sina Christine Yan at Erlisa Sedano.