Muling umapela ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na makiisa sa ginagawang paglilinis ng mga estero na konektado sa Manila Bay.
Ito’y upang maiwasan na ang mga nararanasang pagbaha sa tuwing umuulan at may bagyo dahil sa mga baradong daluyan ng tubig.
Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, pinakikilos na nito ang kaniyang mga tauhan para sa regular na clean up operations sa manila bay at water tributaries nito.
Mula Oktubre 29, aabot na sa mahigit 526,000 metro kubico ng basura at burak ang nahahakot nila sa mahigit 51 kilometrong estero malapit sa Manila Bay.
Partikular na binabantayan ng DENR ang mga estero sa lungsod ng Maynila, Caloocan at mga ilog na nag-uugnay sa mga lungsod ng Pasig, San Juan, Las Piñas – Zapote, Taguig – Pateros, Parañaque, Marikina, Navotas at Malabon.