Nanawagan sa gobyerno ang isang consumer group na higpitan ang pagpapatupad ng mga alituntunin o regulasyon sa mga imported products, lalo na sa mga pagkain at farm products.
Ayon kay dating trade undersecretary at ngayo’y Laban Konsyumer, Inc. (LKI) President Victorio Mario Dimagiba, masyadong maluwag ang import rules ng pamahalaan at posible itong magdulot ng panganib sa publiko.
Binanggit ni Dimagiba ang naging sentimyento ni trade at food safety expert Jhunafe Ruanto kung saan nagpahayag ito ng pagkabahala sa pamamayagpag ng mga imported food products sa mga pamilihan kahit wala at kulang sa English o Filipino translations ang pakete ng mga ito.
Nagbabala rin si Ruanto sa mga consumers laban sa pagbili ng mga produkto galing sa ibang bansa dahil posible umanong smuggled goods ang mga ito at hindi pasok sa safety standards ng gobyerno.
Samantala, sinabi ni Dimagiba na dapat wala sa mga merkado ang mga nabanggit na produkto dahil hindi naman ito bibigyan ng product registration ng Food and Drug Administration (FDA), maliban na lamang kung may tamang label ang mga ito.