Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang magpatupad ng regulasyon sa paggamit ng social media.
Ito’y para mabantayan ang mga naglipanang bashers at mga iresponsableng gumagamit ng social media sa pagpapakalat ng mali at mapanirang balita gamit ang makabagong teknolohiya.
Sa inihaing panukala ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves Jr., nais niyang pakilusin ang Department of Information and Communication o DICT para magtakda ng mga polisiya.
Gayunman, batay sa batas na lumikha sa DICT, hindi nito saklaw ang pagre-regulate sa social media sa halip, nakatuon lamang ang pansin nito sa mga teknikal na aspeto.
Samantala, pinangangambahang masikil naman sa kalayaan sa pamamahayag ang mungkahing i-regulate ng gobyerno ang social media.
Ito ang inihayag ng ilang eksperto sa isinagawang pagdinig ng Kamara matapos isulong ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves ang nasabing panukala.
Ayon kay Gamaliel Cordova, Commisioner ng National Telecommunications Commission o NTC, disiplina na lamang ang gumagamit ng social media ang maaaring maging susi sa problemang pinalutang ng mambabatas.
Batay sa datos, mayroong 48 milyong Pilipino ang gumagamit ng social media site na Facebook, hindi pa kasama rito ang mga users ng Twitter, YouTube at Instagram.
By Jaymark Dagala