Minamadali na ng Department of Energy ((DOE) ang regulatory framework upang maisama ang nuclear energy sa power mix ng bansa na layuning i-adopt ng susunod na administrasyon.
Ayon kay DOE Undersecretary Gerardo Erguiza Junior, mayroon na silang mga pag-aaral upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng nuclear power alinsunod sa international standards.
Mayroon na rin anyang “involvement” ang stakeholders at nabuo na rin ang framework at papaspasan na ito maging ang pagbalangkas ng isang batas para rito.
Aminado si Erguiza na ang pagkakaroon ng nuclear power sa bansa ay naka-depende sa susunod na administrasyon.
Magugunitang nangako si Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior na pabibilisin ang adoption ng bansa sa nuclear power na layuning pababain ang singil sa kuryente.
Ito’y makaraang ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order na naglalayong gamitin ang nuclear power bilang pagkukunan ng enerhiya kasama ang iba pang alternative energy resources.