Nanawagan si Senator Francis Tolentino sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na tutukan ang sustainable resettlement at rehabilitation program ng mga biktima ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Sa inihaing Senate Resolution No. 297, layon nitong magsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Urban Planning para talakayin ang ilalatag na plano ng DHSUD at iba pang ahensya ng gobyerno na makatutulong sa pagbangon ng mga naapektuhan ng bulkan.
Ani Tolentino, mainam na simulan na ngayon ang mga hakbang para makabalik na rin agad sa normal nilang pamumuhay ang mga apektadong residente.
Iminungkahi ng senador na tutukan partikular ang pabahay, imprastraktura, at pangkabuhayan ng mga residenteng apektado ng pag aalburoto ng bulkang Taal.