Sisimulan na sa Nobyembre ang rehabilitasyon sa Ground Zero ng Marawi City, dalawang taon matapos ang Marawi siege.
Bubuksan na rin para sa mga residente ang Ground Zero upang masimulan na nila ang pagpapatayo ng bahay sa pag-aari nilang lupain.
Ayon kay Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra, nagsimula na ang procurement ng mga kagamitan para sa rehabilitasyon o pagsasaayos ng mga imprastraktura sa Ground Zero.
Ngayong Nobyembre anya ay matatapos na ang clearing operations sa Ground Zero na signal naman para masimulan na ang konstruksyon ng mga imprastraktura.
Ipinaliwanag ni Mayor Gandamra na nais ng pamahalaan na 100% ligtas ang mamamayan kapag pumasok sa Ground Zero kaya’t inabot ng dalawang taon ang clearing operations sa 250-ektaryang bahagi ng Marawi na naapektuhan ng Marawi siege.
Target anya nila na makitang nakabangon nang muli ang Ground Zero sa pagpasok ng 2022.