Natapos na ang rehabilitasyon ng runway ng Surigao airport na nawasak ng Magnitude 6.7 na lindol noong 2017, isang buwang mas maaga sa target na pagsasaayos nito.
Sinabi ni Transportation Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez na nadagdagan ng 340 meters ang 1,000 meters na runway ngayon.
Inaasahang maibabalik ang mga flights mula at pabalik ng Maynila sa muling pagbubukas ng Surigao airport bago matapos ang taong ito.
Samantala, ang mga biyahe naman ng eroplano ,ayon kay Lopez, mula Surigao patungong Cebu at pabalik ay makakapag operate muli ng walang limitasyon sa passenger load.
Matapos ang rehabilitasyon ng runway ng Surigao airport, ta-trabahuhin naman ng contractor nito na maibalik ang full operational capability nito na 1,800 meters hanggang sa first quarter ng 2020.