“Isa po akong anak ng Pasig. Bago po ako’y pumasok sa larangan ng Serbisyo Publika, nandiyan na ang Bongbong Marcos na Batang Pasig. I grew up by the Pasig River.”
Ito ang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na ceremonial opening ng “Pasig Bigyang Buhay Muli: Pasig River Urban Development” project sa Binondo, Manila noong January 17, 2024.
Kwento ng pangulo, sumasakay siya ng bangka papunta at pauwi sa trabaho. Aniya, pagdating sa estado ng Ilog Pasig, hindi lang siya nakabase sa statistics report. Personal niya itong nakikita at naaamoy sa araw-araw niyang biyahe.
Kaya naman para kay Pangulong Marcos, panahon na para ayusin at buhayin muli ang makasaysayang Ilog Pasig.
Ayon sa Pangulo, magiging tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng Pasig Bigyang Buhay Muli (PBBM) project, katulong ang lead proponent nitong si First Lady Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos.
Master plan ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD) ang PBBM project, hindi lang para sa rehabilitasyon ng ilog, kundi sa pag-maximize ng economic potential nito.
Upang lubusin ang potensyal ng Ilog Pasig, plano ng ahensya na i-convert ang 25-kilometer na kahabaan nito mula Manila Bay hanggang Laguna de Bay upang maging open public parks at commercial areas.
Magde-deploy rin ng karagdagang ferry boats at stations upang mas maraming pasahero ang sumakay rito at mas magamit ang maritime highway.
Samantala, higit sa 10,000 na pamilya na informal settlers malapit sa Ilog Pasig ang ire-relocate sa mga disenteng tirahan. Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, tinatayang aabot ng P1 million kada pamilya ang relocation costs na popondohan ng private sources.
Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, hindi lang “ningas cogon” o sa simula lang ang rehabilitasyon sa Ilog Pasig dahil maigi nilang tututukan ito ng first lady. Sa katunayan, inatasan na ng Pangulo ang DHSUD, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior and Local Government (DILG), at ilang local government units (LGUs) na magpasa ng quarterly at yearly report tungkol sa proyekto.
Aminado si Pangulong Marcos na mahabang panahon ang kinakailangan upang tuluyang maayos ang Ilog Pasig. Ika nga niya, “Decades of neglect cannot be undone in months.” Sa kabila nito, nanindigan ang Pangulo na hindi para sa kapakanan ng administrasyon ang rehabilitasyon nito kundi para sa mga susunod na henerasyon.