Posibleng matagalan ang rehabilitasyon ng ilang bayan sa lalawigan ng Aurora na binayo ng bagyong Lando.
Ayon kay Aurora Vice Governor Rommel Angara, masyadong malawak ang sinalanta ng bagyong Lando.
Sinabi ni Angara na maging ang serbisyo ng kuryente posibleng matagalang maibalik dahil halos lahat ng poste ay nagbagsakan sa lakas ng hanging dala ng bagyong Lando.
Pinakamatindi aniyang naapektuhan ng bagyo ng bayan ng Casiguran kung saan 90 porsyento ng mga kabahayan ang nawalan ng bubong.
Kasama na rin dito ang bodega ng National Food Authority (NFA) kung saan nila inimbak ang mga bigas na inihanda para sana sa relief operations pagkatapos ng bagyo.
““Yung bubong po ng aming ospital ay tanggal po pala at karamihan ng mga kabahayan, up to 90 percent ng buong bayan ng Casiguran ay apektado dahil sa lakas ng bugso ng bagyong Lando nung unang araw, hopefully sa mga tulong ng national government at private organizations, sana ay makabangon kami sa mga darating na panahon, matindi ang rehabilitasyon at unang-unang pangangailangan siguro ngayon ay karamihan ng mga kabahayan doon ay nawalan ng bubong. ” Pahayag ni Angara.
By Len Aguirre | Ratsada Balita
*Photo Credit: Photo by Czeasar Dancel/Rappler