Sisimulan na rin ang rehabilitasyon sa ground zero ng Marawi City sa pagpasok ng ikalawang taon matapos itong salakayin ng Maute-ISIS group.
Ayon kay Colonel Gerry Besana, Spokesman ng Western Mindanao Command, itinakda sa ikalawang anibersaryo ng paglaya ng Marawi City sa Maute-ISIS ang pagpapasinaya sa pormal na pagsisimula ng rehabilitasyon.
Napag-alamang October 17 sana nakatakda ang groundbreaking sa ground zero subalit hindi umano libre ang Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t inilipat ito ng October 27.
Matatandaan na ilang beses na ring ipinagpaliban ang pagsisimula ng rehabilitasyon sa ground zero ng Marawi City mula sa orihinal na planong June 7, 2018.
Sinabi ni Besana na hindi naging madali ang paglilinis nila sa ground zero dahil sa libo-libong pampasabog na nakatanim sa iba’t ibang lugar nito.
“Ang nasa labas ng main affected area po ay nandun na po, nakatira na halos normalized na, andun na ‘yung mga negosyo, eskuwelahan, ang Marawi City po kasi ay nahati ‘yan dahil sa ilog na tumutuloy-tuloy doon sa Lanao Lake so may tatlong malalaking tulay diyan na nagdudugtong dati na ‘yun talaga ang pinangyarihan ng matinding bakbakan, so bago makapasok sa main affected area ay andun na ang ating mga kababayan na taga-Marawi at nag-umpisa na sila on their own.” Ani Besana
Ayon kay Besana, halos bumalik na sa normal ang buhay ng mga nasa labas ng ground zero.
“Talagang hindi pa po bastang puwedeng mauwian ng mga kababayan natin diyan sa Marawi, ang kagandahan po nito ay pasisinayaan na ang pag-uumpisa ng actual rehabilitation ng main affected area sa Marawi and we’re hoping na magtuloy-tuloy na ito, ang target ng completion nito ay 2021 pa, aabutin tayo ng tatlong taon, grabe po talaga kasi ang ginawa ng teroristang grupo dito.” Pahayag ni Besana
—-