Umapela ng pang-unawa ang pamahalaang lokal ng Lanao del Sur para tugunan ang mga pangangailangan ng mga residente ng Marawi City, isang taon magmula nang umatake ang mga teroristang Maute-ISIS sa lungsod.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, unti-unti nilang tinutugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima ng Marawi seige lalo’t hindi aniya simpleng kalamidad ang nangyari sa Marawi.
Sa ngayon sinabi ni Adiong na nasa short term phase pa lamang ang isinasagawang rehabilitasyon sa Marawi.
“’Yung rehabilitation po na sinasabi ninyo kasi ano po ‘yan three phases po ang coverage niya, may pang-emergency response, short term, mid-term at pati na rin ang long term. Pagdating po sa short term comprehensive recovery program, nag-identify na po ng budget ang NEDA para gamitin sa mga immediate assistance na ibibigay sa mga nasalanta at naapektuhan ng giyera, sa ngayon po nasa short term pa rin tayo, in fact meron pa ring mga pamilya na hanggang ngayon ay nasa evacuation centers so in a way nasa emergency response pa rin tayo ngayon, wala po tayo doon sa long term.” Ani Adiong
Samantala, nilinaw naman ni Adiong na hindi pa nagsisimula ang reconstruction ng mga pabahay para sa mga taga-Marawi.
“Ang reconstruction po doon sa damaged area ay hindi pa po talaga nagsisimula dahil sa ngayon nagsu-submit pa rin po ng mga proposal, designs, master planning ang mga involved na contractors and developers. Alam natin na ang Chinese developers ang na-awardan na magco-construct diyan sa most affected area, sa ngayon ay nagsasagawa pa rin sila ng mga meeting and discussion sa Task Force Bangon Marawi, so hindi pa rin po talaga nagsisimula ang reconstruction.” Pahayag ni Adiong
(Balitang Todong Lakas Interview)