Hindi na pamumunuan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang task force na tututok sa rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng magkakasunod na bagyo.
Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo na si Secretary Harry Roque, nagbago na ang isip ng Pangulo at sa halip na si Medialdea ang mamumuno sa naturang task force, sina DPWH Secretary Mark Villar at DENR Secretary Roy Cimatu na ang mamumuno rito.
Paliwanag ni Roque, nakabase na kasi sa siyensya ang ‘Build Back Better Task Force’.
Pagdidiin pa ng opisyal, dapat lang din naman na DPWH ang manguna sa naturang rehabilitation efforts, dahil pagkukumpuni at paggawa ng mga nasirang tulay at iba pang mga pangunahing daanan ang gagawin makaraan itong padapain ng bagyo.
Habang DENR naman ang tutukoy kung may siyantipikong basehan ang gagawin, lalo na sa usapin ng climate change.