Dapat mailatag na sa lalong madaling panahon ang isang rehabilitation master plan sa isla ng Boracay bago pa man ito tuluyang maipasara.
Iyan ang panawagan ni Senador Richard Gordon para malaman agad ng mga stakeholders ang kani-kanilang papel para sa paglilinis gayundin sa pagpapanumbalik sa dating ganda at ningning ng isla.
Sa panayam ng DWIZ kay Gordon, sinabi nito na mahalaga ang rehabilitation master plan para malaman din ng publiko kung gaano kaseryoso ang gubyerno na ayusin ang mga kapabayaang umusbong sa itinuturing na paraiso ng Pilipinas.
Ang dapat lahat ng mga nagpapatakbo ng resort ay susunod. Kung ako ang magrerecommend diyan, bago ko ipasara ‘yan, gagawa muna ako ng master plan, para tuluy-tuloy ang trabaho, hindi kakapa-kapa. Kung maglilinis ng sewage, madali lang ‘yan eh. Pero dapat din nating isaalang-alang na sayang din ‘yung hanapbuhay ng mga tao. Pahayag ni Gordon
Kasunod nito, hindi rin kumporme si Gordon na tuluyang isara ang buong isla.
Pero kung siya ang tatanungin bilang dating naging kalihim ng Department of Tourism, wala na dapat residenteng nakatira sa Boracay.
Ang importante sa akin huwag munag ipasara ‘yan ng agaran, gumawa muna ng master plan sa rehab. Ano ‘yung mga role ng mga may-ari? Kung ako masusunod, hindi na ako magpapatira sa Boracay ng mga taong walang kinalaman diyan. Dapat iyan ay natural resource ng bansa, pag-aari ‘yan ng bansa. Katulad doon sa Maldives, walang nakatira. Pero kapag hindi ka namamasukan diyan, wala kang negosyo diyan, ay dapat lalabas ka. Ang Boracay, hindi dapat tirahan ‘yan, it’s a purely recreational and for tourism purposes. Paliwanag ni Gordon.
Pagbubunyag ni Sen. Tito Sotto hinggil sa dayaan sa eleksyon, handang siyasatin ng Senate Blue Ribbon Committee
Naghihintay na lamang ng go signal si Senador Richard Gordon para masimulan ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng ibinunyag ni Senador Tito Sotto hinggil sa umano’y dayaan noong nakalipas na 2016 elections.
Inihayag sa DWIZ ni Gordon na dapat aniya kasing magpasya rito ay si Senadora Leila de lima na siyang chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms.
Gayunman, posible naman aniyang dalhin na lang sa Senate Blue Ribbon Committee ang usapin kung nanaisin ito ni de Lima o kung ibibigay ito kay Senador Francis Pangilinan na vice chairman ng komite.
Siguro kung may korapsyon nga ‘yan eh ibigay na lang sa Blue Ribbon, pero pwede rin naman maging electoral reform joint, ako rin naman ang hahawak, kung ibibigay kay Sen. Pangilinan, okay lang nasa kanila ‘yan. Ani Gordon
Pero sinabi ni Gordon na handa siyang manguna sa gagawing imbestigasyon anumang araw kung ito aniya ang magiging desisyon ng mayorya ng mga senador.
I’m ready to investigate it anytime even next week if I have to. Dagdag ni Gordon