Ilalarga na sa mismong araw ng paggunita sa unang anibersaryo ng Mamasapano massacre sa Enero 25 ang panibagong imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order hinggil sa naturang insidente.
Ayon kay Senator Grace Poe, Chairperson ng kumite, nais nilang mapakinggan at makita ang mga panibagong ebidensyang maaaring lumabas sa pagdinig na magsisimula alas-10:00 ng umaga sa session hall.
Kasunod na rin ito ng rekomendasyon ni Senate Minority Floor Leader Juan Ponce Enrile lalo’t may mga nakuha umanong bagong impormasyon at ebidensya sa malagim na pagpatay sa 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao.
Magugunitang nakapiit noon si Enrile dahil sa kasong may kaugnayan sa pork barrel fund scam nang isagawa ang unang imbestigasyon ng senado sa Mamasapano incident.
Samantala, tiniyak naman ni Poe na hindi makaaapekto ang panibagong imbestigasyon sa findings ng unang report ng Mamasapano incident.
Malacañang
Wala namang nakikitang problema ang Malacañang sa planong muling buksan ang imbestigasyon sa senado hinggil sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong isang taon.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, kinikilala ng Palasyo ang mandato ng senado na mag-imbestiga in aide of legislation at bahagi ng kanilang oversight functions.
Hindi rin nakikita ng Malacañang ang posibleng iringan sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura dahil sa umiiral na separation of powers.
Kahit ano pa ang maging posisyon ng ehekutibo, iginiit ni Coloma na hindi maaaring balewalain ang dalawang sangay ng gobyerno na may karapatang gawin ang inaakalang nararapat sa nasabing usapin.
By Jelbert Perdez | Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)