Mariing kinondena ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang tangka umanong panggagahasa at pangha-harras ng isang opisyal ng pulisya laban sa detenidong si dating Ozamis City Vice Mayor Nova Princess Parojinog.
Ito ang inihayag ng PNP matapos ireklamo ng kanilang Women and Children’s Protection (WCPC) ang hepe ng PNP custodial service na si P/Ltc. Jigger Noceda sa Quezon City Prosecutor’s Office nitong Miyerkules.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Ysmael Yu, hindi aniya nila kailanman kukonsintihin ang maling ginawa ni Noceda lalo’t labag ito sa pagbabagong ipinatutupad ni PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan na responsable, tapat, ginagalang at disiplinadong pulis.
Batay sa affidavit ni Parojinog, makailang beses umano siyang tinangkang gahasain, molestiyahin at bantaan pa ni Noceda sakaling magsampa ito ng reklamo laban sa kaniya.
Kasalukuyan na aniyang nasa restrictive custody sa PNP headquarters support service sa Kampo Crame si Noceda na una nang nasibak sa puwesto noon pang Setyembre 30.