Bumaba ang bilang ng mga sumbong na natatanggap ng PNP-Counter-Intelligence Task Force (CITF) laban sa mga tiwaling pulis simula nang itaas ang sweldo ng mga ito.
Ayon kay Senior Supt. Chiquito Malayo, hepe ng CITF, nakapagtala na lamang ng walong sumbong ngayong Pebrero mula sa 539 sa kaparehong panahon noong isang taon.
Katumbas ito ng halos 98 porsyentong pagbaba ng bilang ng mga reklamo.
Matapos anya ang isang taon simula nang itatag ang C.I.T.F. ay nasa 10,000 reklamo na ang kanilang natatanggap sa kanilang hotline kung saan 60 tiwaling pulis pa lamang ang kanilang naaresto simula noong 2017.
Pinakamarami ang sumbong ng pangongotong umano ng mga pulis, pagkakasangkot sa iligal na droga at pag-protekta sa mga iligal na aktibidad at karamihan kanila ay naka-destino sa Metro Manila.
Mahigit 1,500 pulis na hinihinalang sangkot sa mga iligal na aktibidad, binabantayan
Aabot na 1,535 pulis ang binabantayan ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF)
Ito, ayon kay senior Supt. Chiquito Malayo, hepe ng PNP-CITF, may mga ginagawa umanong katiwalian o iligal na aktibidad ang mga pulis na isinusumbong sa kanilang hotline.
Mahigit 300 anya sa mga nasabing pulis ay opisyal ng PNP kabilang ang isang heneral na dalawang beses na umanong isinumbong dahil sa pagprotekta at pagtanggap ng “patong” mula sa mga operator ng iligal na pasugalan.
Gayunman, hindi anya agad ma-aaresto ang nasabing heneral dahil kailangan pang kumalap na matibay na ebidensya.
-Jonathan Andal