Ipinauubaya na ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa Department of Justice o DOJ ang desisyon kung ipapa-disbar ang prosecutor na nakipag-argumento sa MMDA traffic enforcer.
Ayon kay Bong Nebrija, Special Operations Task Force Commander ng MMDA, naihain na nila ang reklamo sa Department of Justice laban sa babaeng piskal at hiniling na rin nila sa Land Transportation Office o LTO na suspendihin o ipawalang bisa ang lisensya ng motorista.
“Nag-send na tayo ng reklamo sa DOJ na ipa-disbar sila, they will be to decide on that.” Pahayag ni Nebrija.
Maliban dito, sinabi ni Nebrija na maliban sa traffic violation, posibleng kasuhan nila ng direct assault ang babaeng piskal dahil sa muntik na pagsagasa sa kanilang traffic enforcer.
“Ang mga violation na pupuwede niyang kaharapin is una illegal parking, coding pa siya, pangatlo is yung arrogant driver kasi sinisigawan, minumura at kung anong sinasabi sa traffic enforcers, and last ‘yung binunggo niya ‘yung motorsiklo ng enforcer, pagsira ng government property criminal offense na ‘yun, hindi na traffic violation, direct assault na po ‘ yun at nakipaghabulan pa siya.”
“Tuloy pa rin po ang kaso, seryoso po si Chairman Danny Lim na kapag naagrabiyado ang ating enforcers ay siya ang haharap, nag-form na po tayo ng legal team sa kasong ito.” Ani Nebrija
Matatandaan na tinangkang i-tow ng MMDA traffic enforcer ang sasakyan ng babaeng piskal dahil sa illegal parking.
Ipinasu-surrender din ng MMDA ang lisensya ng babaeng driver subalit tumanggi ito at nakipagtalo nang husto sa MMDA traffic enforcer.
Paalala ni Nebrija sa mga motorista na manatiling kalmado, iwasan ang pakikipagtalo at sundin nang maayos ang batas na ipinatutupad sa lansangan upang maiwasan na maulit pa ang mga kaparehong insidente.
“Hindi po tamang makipagtalo sa kalsada, you respect the enforcer let him do his job, pero huwag lang unlawful, videohan niyo po kung alam niyong mali at isumbong niyo sa aming opisina.”
(Balitang Todong Lakas Interview)