Iimbestigahan ng simbahan ng Quiapo ang reklamo ng ilang mga deboto hinggil sa katatapos lamang na Traslacion ng itim na Nazareno.
Ayon kay Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel, pakikinggan nila ang hinaing ng lahat dahil magagamit rin aniya ang mga matutunan dito para sa mga susunod na Traslacion.
Gayunman, iginiit ni Coronel na itinuturing nila ang katatapos lamang na Traslacion bilang isa sa mga pinakamabilis sa kasaysayan ng taunang prusisyon na natapos sa loob ng 16 na oras.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Doughlas Badong na ang mga ipinatupad na pagbabago sa Traslacion.
Sinabi ni Badong, naglagay ng tinatawag na andas wall hindi para pigilan ang mga deboto na makalapit sa imahe ng itim na Nazareno bagkus ay upang mapanatiling mapayapa at maayos ang prusisyon.
Iginiit pa ni Badong, pangkalahatang naging mapayapa at maayos ang katatapos na Traslacion dahil na rin sa pagtutulungan ng simbahan at mga opisyal ng pamahalaan.