Ibinasura ng isang piskal sa Pasig City ang reklamo ng PAWS o Philippine Animal Welfare Society laban sa director at producer ng “Oro” na nag-ugat sa pagpatay sa isang aso sa isang eksena ng pelikula sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Sa desisyon ni City Assistant Prosecutor John Ong, walang sapat na basehan ang reklamo ng PAWS laban kina Film Director Alvin Yapan at Producer Mark Shandii Bacolod na inakusahang lumabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act matapos maisama sa pelikula ang ginawang pagkatay sa aso.
Magugunitang dahil sa nabanggit na eksena sa pelikulang ‘Oro’ ay suspendido ng isang taon sina Yapan at Bacolod sa paglahok sa MMFF.
Dismayado naman ang PAWS sa naging pasya ng prosecutor kaya’t nagbanta itong gagawin ang lahat ng remedyo upang mabaliktad ang naturang desisyon.
By Jelbert Perdez